Linggo, Enero 1, 2017

Benigno Aquino III

Benigno Aquino III
(Hunyo 30, 2010- Hunyo 30, 2016)

  • Sa kanyang pag-upo, dala ni Aquino ang pangako ng panunungkulan sa pamamaraan ng matuwid na daan.
  • Nagbigay ito ng bagong pag-asa at pagpapanumbalik ng tiwala sa pamahalaan hindi lamang ng mga Pilipino, kundi ng mga banyaga.
  • Sa ilalim ng kaniyang pamamahala, lumago ang ekonomiya ng bansa. Masiglang ini-uulat ito ng pangulo sa kanyang mga isinagawang State of the Nation Address o SONA. Katulad na lamang ng pagdami ng mamumuhunan sa iba’t ibang sektor ng gobyerno na nagbibigay ng serbisyo at trabaho sa taumbayan.
  • Ayon sa datos ng pamahalaan, bumaba ang bilang ng walang trabaho at ng mga nagugutom, tumaas ang bilang ng nabibigyan ng tulong pampinansyal sa pamamagitan ng Conditional Cash Transfer Program, at sinasaklawan ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.
  • Bukod pa riyan, sa kabila ng hindi pagsasakatuparan ng minimithing rice self-sufficiency, malaki naman ang itinaas ng ani ng palay sa bansa sa mga proyektong isinagawa ng kagawaran ng agrikultura.
  • Naniniwala rin ang Administrasyong Noynoy Aquino na maitataas ang antas ng edukasyon sa bansa sa pagpapatupad ng K to 12 Program.
  • Kung susuriin, matapos ang Marcos Regime, sa pamahalaan ni Pangulong Aquino lang nakita ang bunga ng AFP Modernization Program.

  • Subalit, tulad ng mga pangulong kanyang sinundan, marami rin ang mga kritisismong kaniyang tinanggap. Kabilang na sa mga ito ang pagkwestyon sa mabagal daw niyang aksyon sa mga problema ng bansa, “Noynoying” ang salitang ibinansag ng kanyang mga kritiko rito.
  • Tinuligsa rin si Aquino sa kakulangan daw ng pagbibigay ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda.

  • Sa mga kontorbersyal na panukalang batas, isinisisi rin kay Aquino ang hindi maipasa-pasang Freedom of Information Bill na kaniyang ipinangakong bibigyan ng prayoridad noong panahong siya at nangangampanya pa lamang.
  • Pagtatapos ng ika-5 taon ng kanyang paninilbihan, may mga grupo pang nanawagan ng kaniyang pagbibitiw sa pwesto kaugnay sa pagkamatay ng 44 na miyembro ng Philippine National Police Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao.
  • Sa kasalukuyan, kaliwa’t kanan ang natatanggap na kritisismo ni Pangulong Aquino sa sinusuportahan niyang pagsusulong ng Basic Law on the Bangsamoro Autonomous Region.
  • Sa nalalabi pang panahon ng panunungkulan ni Noynoy Aquino, bukod sa patuloy na pagsisikap nitong makamtam ng bansa ang pangmatagalang kapayapaan, nanatiling mataas ang pagbabantay ng kanyang pamahalaan laban sa kurapsyon at kahirapan.
  • Hindi rin tumigil ang mga ahensya ng pamahalaan na hanapan ng mapayapang solusyon ang lumalawig na problema ng bansa sa pag-okupa ng Tsina sa ating teritoryo sa Spartlys.
  • Sa nalalapit na pagtatapos ng kanyang administrasyon, nananawagan si Pangulong Aquino na piliin at iboto sana ng mga Pilipino ang kandidatong magpapatuloy ng kanyang sinimulang tuwid na daan.


Gloria Arroyo

Gloria Arroyo
(Enero 20, 2001-Hunyo 30, 2010)


  • Bago pumasok sa larangan ng pulitika, nagsilbing propesor si Arroyo sa Ateneo De Manila University kung saan isa sa kanyang naging estudyante ang kasalukuyang presidente ng bansa na si Benigno Aquino III.
  • Sa imbitasyon ng noo’y Pangulong si Corazon Aquino, tumapak sa pagseserbisyo sa gobyerno si Arroyo bilang Assistant Secretary at Undersercretary ng Department of Trade and Industry.
  • Matapos nito, kumandidato siya, nanalo at nagsilbing bilang senador noong 1991 hanggang 1998.
  • Matapos na magsilbi sa senado, nahalal naman siya bilang pangalawang pangulo ng bansa sa administrasyon ni Pangulong Joseph Estrada.
  • Mahigit 2 taon sa kaniyang paninilbihan bilang bise presidente, naganap ng People Power 2 na nagpatalsik sa pwesto kay Pangulong Estrada. Alinsunod sa Saligang Batas, si Arroyo ang humalili sa nabakanteng pwesto.
  • Hindi naging madali ang mga taon sa paninilbihan ni Pangulong Gloria sa panahong tinatapos niya ang termino ni Presidente Erap.
  • Kinuwestyon ang ligalidad ng kanyang pagkakaupo sa pinakamataas na posisyong pulitikal sa bansa. Pinanumpa raw kasi si Arroyo ng panahong iyon ni dating Chief Justice Hilario Davide bilang “Acting President” lamang.
  • Hindi rin tumitigil ang protesta at pangangalampag sa kanyang pamahalaan ng mga taga-suporta ni Estrada na nananawagan ng pagpapalaya sa dating pangulo matapos maikulang si Pangulong Erap sa kasong pandarambong.

  • Naganap din ang pagtatangkang magsagawa ng rebelyon laban sa Administrasyong Arroyo. Tinawag itong Oakwook Mutiny.
  • Nalampasan ni Arroyo ang problemang ito.
  • Matapos niyang i-anunsyo na hindi siya maghahangad ng bagong termino, muli siyang tumakbo sa pagka-pangulo at nanalo sa halalan noong 1994 General Elections.
  • Bagaman naideklara at nakapanumpa para sa kaniyang unang termino bilang halal na pangulo, naging kontrobersyal ang kanyang pagkapanalo.
  • Lalong umigting ang mga akusasyon ng pandaraya laban kay Pangulong Gloria nang lumabas ang “Hello Garci” Tape. Sa panahong ito, isinagawa ni Arroyo ang bantog ng “I am sorry” speech.
  • Lumakas ang panawagan para sa kanyang pagbaba sa pwesto at mayroon pang naghain ng reklamong impeachment laban sa kanya. Hindi ito umusad sa Kongreso at natapos din niya ang naturang termino.
  • Sa pamumuno ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, umabot sa 4.5% ang average economic growth ng bansa, mas mataas kaysa sa Administrasyong Cory Aquino, Ramos at Estrada. Sa katunayan, napabilang ang Pilipinas sa mga kakaunting ekonomiya sa timog-silangang Asya na hindi nagbago ang takbo sa kabila ng naganap na global financial crisis noon taong 2008.


  • Sa Administrasyong Arroyo, naisa-batas ang kontrobersyal na Expanded Value Added Tax Law na nagsilbing centerpiece ng kanyang Economic Reform Agenda.
  • Bukod sa iba pang mga nai-ambag ng Arroyo Administration sa paglago ng ekonomiya ng bansa, natatandaan ito ng karamihan dahil sa polisiya ng pagpapatupad nito ng holiday economics na naglalayong palakasin ang domestic tourism.
  • Sa kasalukuyan ay nasa ilalim ng hospital arrest si Pangulong Arroyo dahil sa mga kasong isinampa sa kanya, kabilang na ang maling paggamit ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO.



Joseph Estrada

Joseph Estrada
(Hunyo 30, 1998- Enero 20, 2001)

  • Si Pangulong Estrada ang kauna-unahang presidente ng bansa na nagmula sa industriya ng pelikula.
  • Sa halalan noong 1998 na pinanalunan niya, malaki ang naging lamang sa boto ni Estrada sa kanyang mga naging katunggali.
  • Nanumpa siya bilang ika-13 presidente ng bansa noong June 30,1998.
  • Maigsi ang naging termino ni Erap na nagsimula sa kalagitnaan ng pagdanas ng bansa ng epekto ng Asian financial crisis at pagharap sa mga problema sa sector ng agrikultura na umusbong dulot ng mga kalamidad na naganap sa bansa.
  • Bumagsak ang ekonomiya sa unang taon ng kanyang panunungkulan. Bumulusok sa negative zero point six (-0.6%) ang economic growth ng bansa noon, nakabawi naman sa sumunod na taon ng kanyang pamumuno.
  • Natatandaan ng mga Pilipino ang Administrasyong Estrada sa pagdedeklara niya ng all-out war labang sa grupong Moro Islamic Liberation Front o MILF kung saan matapos ang tatlong buwan mula nang idineklara ang giyera laban sa naturang grupo ay muling napasakamay ng militar ang Camp Abubakar na nagsisilbing headquarters ng MILF. Kabilang din sa napasakamay ng mga sundalo ang 13 malalaking kampo 43 maliliit pang kampo ng MILF, na noo’y kinikilala pa bilang isang teroristang grupo.

  • Hindi pa man nangangalahati ang termino ni Estrada, kabi-kabilang kontrobersya na ang kaniyang kinaharap. Humantong ito sa paghahain ng impeachment complaint laban sa popular na pangulo.
  • Kinabibilangan ng pagbubulsa ng daan-daang milyong piso mula sa iligal na sugal na jueteng at maling paggastos ng pondo ng bayan ang mga inihaing akusasyon laban sa kanya.
  • Nagtagumpay ang panig na laban kay Pangulong Erap na maiharap siya sa isang impeachment court.
  • Sa kauna-unahang pagkakataon, naging saksi ang buong sambayanang Pilipino sa pagdinig sa kaso laban sa isang punong ehekutibo.
  • Sa kasagsagan ng pagdinig ng kaso laban kay Estrada, isang insidente ang nagsilbing ningas sa mitsa na nagpaliyab sa damdamin ng mga Pilipino, ang naging boto ng mga hukom sa impeachment trial na pumigil sa pagbukas ng ikalawang envelope na naglalaman daw ng mga ebidensya laban kay Estrada.
  • Nag-walk out noon ang panig ng prosekusyon, habang sa EDSA ay nagkakaroon na ng lumalaking bilang ng mga nagpo-protesta.
  • Tatlong araw matapos ng botohan at ng tila walang katapusang protesta sa kalsada na nananawagan ng pagpapatalsik sa pwesto kay Estrada, ini-atras ng Hukbong Sandatahang Lakas ang kanilang suporta sa kay Pangulong Erap.

  • Kinabukasan, ika-20 ng Enero, idineklara ng Korte Suprema na bakante ang posisyong hinahawakan ni Estrada. Sa pagsapit ng katanghalian, pinanumpa naman ni noo’y Chief Justice Hilario Davide Jr. si Bise Presidente Gloria Macapagal-Arroyo bilang bagong pangulo ng bansa. Sa araw na ito nagwakas ang Administrasyong Estrada.
  • Sa pagtatapos ng Administrasyong Estrada, umabot sa mahigit dalawang trilyong piso ang utang ng Pilipinas sa loob at labas ng bansa at nasa isang daang bilyong piso naman ang financial deficit ng pamahalaan.
  • Subalit sa kabila ng negatibong sinapit ng Estrada Presidency, lumago ang Gross Domestic Product ng mahigit tatlong porsyento (3%) mula sa negative zero point five percent (-0.5%) noong 1998.
  • Lumago rin ang sector ng kalakalan dahil sa pagtaas ng antas ng pamumuhunan sa katapusan ng taong 2000.
  • Anim na taon matapos na matanggal sa pwesto, nasentensyahan si Pangulong Estrada ng habambuhay na pagkakabilanggo sa kasong pandarambong.
  • Pagkatapos ng ilang buwan ng pagsisilbi sa kanyang sentensya, ipinagkaloob ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang executive clemency kay Estrada.
  • Mula noon, matagumpay nang nakabalik sa pulitika si Erap.


Fidel Ramos

Fidel Ramos
(Hunyo 30, 1992- Hunyo 30, 1998)
  • Siya ang pinakamatandang naging Pangulo ng Bansa sa edad na 64. Si Ramos din ang kaisa-isang opisyal ng military ng Pilipinas na tinanganan ang lahat ng posisyon mula sa Second Lieutenant hanggang sa Commander-in-Chief.
  • Ang unang problemang hinarap ng Administrasyong Ramos ay ang kakulangan sa supply ng kuryente sa bansa. Sa pagbaba sa pwesto ni noo’y Pangulong Cory Aquino, 4 hanggang 12 oras na blackout ang nararanasan ng ating mga kababayan.
  • Sa kanyang State of the Nation Address noong July 27, 1992, humiling siya sa Kongreso na lumikha ng batas na magtatatag ng isang Kagawaran ng Enerhiya. Subalit, labis pa riyan ang kaniyang nakuha, pinagkalooban siya ng Kongreso ng dagdag na kapangyarihan upang magbigay-lunas ang energy crisis sa bansa.
  • Ginamit ni FVR ang kapangyarihang ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng lisensya sa mga independiyenteng kumpanyang lumilikha ng kuryente upang makapagpatayo ang mga ito ng dagdag na power plants sa loob ng dalawang taon.

  • Upang makapanghikayat ng mamumumuhunan at magdagdagan ang serbisyong pampubliko ng gobyerno, inilunsad ng Pamahalaan ang sistemang Build-Operate-Transfer o BOT Scheme. Sa ganitong sistema, inanyayahan ang mga negosyanteng magtayo ng isang istrakturang sa mga nakaraang administrasyon, gobyerno ang inaasahang magsagawa, tulad na lamang ng mga tollways, power plants at mass transport systems.
  • Ang unang taon ng panunungkulan ni Pangulong Ramos ay naging maganda. Sumigla ang ekonomiya, naging tahimik ang mundo ng pulitika at nagkaroon ng positibong pagbabago ang pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo sa publiko.
  • Naging aktibo rin ang Ramos Administration sa usaping pangkapayapaan sa pamamaraan ng isang kasunduan sa Moro National Liberation Front o MNLF na pinamumunuan ni Nur Misuari.
  • Naging masigasig din si Ramos sa paglaban para sa ating karapatan sa teritoryong pinag-aagawan sa West Philippine Sea.
  • Nang madiskubre ng ating Sandatahan Lakas ang isang istrakturang itinayo ng mga Tsino sa Half Moon Shoal na nasa loob ng ating 200-mile exclusive economic zone, agarang naghain ng pormal na protesta ang bansa sa International Court. Inutusan pa ni Ramos ang ating Hukbong Panghimpapawid na magpalipad ng limang F-5 Fighters na sinamahan pa ng apat na jet trainers at dalawang helicopters sa lugar ng kinakitaan ng istraktura upang magpakit ng pwersa.

  • Nilinas ng gobyerno ng Tsina na ang mga istrakturang nakatayo sa lugar at nagsisilbi lamang na silungan ng mga Tsinong mangingisda, bilang tugon nito sa ginawang aksyon ng ating bansa.
  • Ang munting pagkilos na ito ni Pangulong Ramos ay sinasabi ng ilang eksperto na lubhang mapanganib dahil maaaring naging mitsa ito ng digmaan sa West Philippine Sea.
  • Naging maganda ang takbo ng bansa sa halos lahat ng aspeto nito sa ilalim ng Administrasyong Ramos, subalit napigil ito nang dumanas ang Asya ng isang financial crisis noong 1997. Bilang epekto, mula sa mahigit 5% paglago ng ekonomiya noong 1997, bumagsak ito sa kalahating porsyento na lamang nang sumunod na taon. Marami rin ang nagsarang negosyo na nagresulta naman sa pagtaas ng unemployment rate sa bansa.
  • Subalit dahil isa sa pinakamatatag ang stock market ng Pilipinas sa buong mundo noong kalagitnaan ng dekada nobenta, mas maliit ang naging epekto ng financial crisis sa ating bansa. Mas mabilis nakabangon ang Pilipinas sa krisis na ating dinanas at tinagurian pa ang Pilipinas bilang susunod na Economic Tiger ng Asya.
  • Hanggang sa ngayon, ayon sa opinion ng ilang eksperto sa mundo ng pulitka, si Pangulong Ramos ang masasabing pinakamagaling na naging presidente ng bansa sa post-Marcos era.


Corazon Aquino

Corazon Aquino
(Peb. 25, 1986- Hunyo 30, 1992)

  • Ang kauna-unahang babaeng pangulo ng bansa. Tinawag na “Tita Cory” ng ordinaryong Pilipino, binansagan din siyang “Mother of Philippine Democracy” at ang “Joan of Arc” modernong panahon.
  • Sari-saring parangal ang kanyang tinanggap habang at pagkatapos niyang magsilbi bilang presidente ng bansa. Kabilang na rito ang Time Magazine Woman of the Year, Eleonor Roosevelt Human Rights Award, United Nations Silver Medal, Canadian International Prize for Freedom, Ramon Magsaysay Award for International Understanding, One of Time Magazine’s 20 Most Influential Asians of the 20th Century, World Citizenship Award, Martin Luther King Junior Non-Violent Peace Prize at United Nations Development Fund for Women.
  • Malaki ang inasahan ng Sambayang Pilipino kay Cory Aquino, kahit pa nga simpleng maybahay lang siya bago maihalal bilang pangulo.
  • Nang maupo sa kanyang posisyon, itinatag niya ang rebolusyonaryong gobyerno, habang hinihintay na maratipikahan ang 1987 Constitution.
  • Nakita rin niya bilang banta sa kapangyarihan ng bansang may kasarinlan ang pananatili ng base military ng mga Amerikano kung kaya’t ini-utos niyang lisanin ng mga Amerikano ang military bases nila sa Zambales at Pampanga.
  • Kabilang pa sa mga ginawa niya na naging tatak ng kanyang administrasyon ang pagrereporma sa Family Code of the Philippines at ang pagbabago ng istraktura ng Ehekutibong Sangay ng Gobyerno sa pamamagitan ng Administrative Code of 1987. Ganito rin ang kaniyang ginawa sa Korte Suprema upang mapanumbalik ang pagiging independiyente nito.
  • Nakita ni Tita Cory na napakaraming dapat gawin matapos ang mahigit dalawang dekadang pamumuno ni Pangulong Marcos. Kabilang sa una niyang pinagtuunan ng pansin ang pagbabayad sa noo’y 26 na bilyong dolyar na utang ng bansa. Bagama’t hindi ito naging isang popular na desisyon, para kay Aquino, ang pagbabayad ng mga utang na ito ang pagpapanumnalik ng magandang reputasyon ng Pilipinas sa mga mamamumunuhan sa buong mundo.
  • Sa kanyang pamumuno, binuwag ang mga cartel at monopolya. Ibinukas din ang merkado sa mga nais mag-negosyo, banyaga man o lokal na negosyante. Upang mapunan ang lumobong kakulangan sa pondo ng bansa, isina-pribado ang ilang korporasyon na pag-aari ng gobyerno.
  • Naging pamana ng Administrasyong Aquino ang mga proyekto kaugnay ng sektor ng agraryo. Noong 1988, sa suporta na rin ni Tita Cory, ipinasa ng Kongreso ang Republic Act Number 6657 o ang Comprehensive Agrarian Reform Law na nagbigay-daan sa pamamahagi ng mga lupaing agrikultura sa mga “tenant-farmers” mula sa mga may-ari nito.
  • Hindi naging madali ang anim na taong panunungkulan ni Pangulong Cory Aquino. Sa kabila ng mga positibong nai-ambag ng kanyang administrasyon sa bansa, hindi maikakaila na ang electric power shortage ang isang negatibong aspeto ng kanyang pamumuno na hindi nalilimutan ng ilan nating mga kababayan. Maraming negosyo kasi ang lubhang naapektuhan nito.
  • Bukod pa r’yan, ilang beses din na nagkaroon ng pagtatangkang agawin sa kanya ang pagkapangulo ng pamamaraan ng kudeta, nagkaroon din ng matitinding kalamidad dulot ng bagyo, lindol at ng pagsabog ng Bulkang Pinatubo.
  • Sa pagtatapos ng kanyang termino, may mga humimok kay Aquino na muling tumakbo sa pagka-pangulo. Subalit tinanggihan na niya ito at nag-endorso na lamang ng kanyang kandidato.
  • Matapos na bumaba sa kaniyang pwesto, naging abala si Cory sa pagpipinta at pagdalo sa mga pagpupulong sa ibang bansa.
  • Noong March 24, 2008, inanunsyo ng kaniyang pamilya na ang dating Pangulo ay may sakit na colorectal cancer.
  • Unang araw ng August 1, 2009, binawian ng buhay si dating Pangulong Cory Aquino sa edad na 76.
  • Ang paghahatid sa kaniyang huling hantungan ang isa sa pinaka-dinagsang libing sa kasaysayan ng bansa, na nagpapakita lamang na sa kabila ng kanyang pagkamatay, ang “Cory Magic”ay nananatiling buhay.








Diosdado Macapagal

Diosdado Macapagal
(Dis. 30, 1961- Dis. 30, 1965)

  • Bitbit ang kanyang pangakong bigyan ng tuldok ang kurapsyon sa bansa, tinalo niya ang noo’y kasalukuyang pangulo na si Carlos Garcia sa halalan ng may malaking agwat sa bilang ng botong natanggap.
  • Kabilang sa mga ginawa ni Macapagal ang pagsasagawa ng mga batas upang maisaayos ang sektor ng agrikultura sa bansa.
  • Una na rito ang pagsasabatas ng Agricultural Land Reform o Republic Act No. 3844, na nagbukas ng oportunidad na magkaroon ng sariling lupang sakahan ang mga maliliit na magsasaka sa bansa.
  • Sa naturang batas, nabigyan din ng karapatang bumuo ng samahan ang mga nagtatrabaho sa sektor ng agrikultura, bukod pa sa kasiguruhang makatatanggap sila ng sahod na naaayon sa Minimum Wage Law.


  • Upang pasiglahin pa ang ekonomiya, ibinukas ng kaniyang administrasyon ang merkado sa mga pribadong mangangalakal.
  • Bilang kontribusyon ng gobyerno sa pag-alalay sa mga ito, naging aktibo ang pamahalaan sa pagpapagawa ng mga imprastraktura tulad ng mga kalsada, mga puerto at paliparan.
  • Gumawa rin ng mga polisiya si Macapagal na maka-eengganya sa mas marami pang mamumuhunan sa pamamagitan ng pagsisilbi ng gobyerno bilang taga-endorso ng mga aktibidad na magbibigay-daan upang ang mga negosyong nangangailangang sa malaking kapital ay mapasimulan sa bansa.
  • Kabilang sa mga negosyong ito ang mga kalakal na may kinalaman sa paggawa ng mga bakal, abono at maging sa turismo.
  • Ilan pa sa makasaysayang kontribusyon ni Pangulong Macapagal ang pagtatatag ng Philippine Veterans’ Bank, ang paglilipat ng paggunita ng ating araw ng kasarinlan mula ika-4 ng Hulyo sa ika-12 ng Hunyo.
  • Sa termino ni Macapagal, pinalakas ang aksyon ng bansa sa international tribunal kaugnay sa karapatan na muling mapasakamay sa Pilipinas ang North Borneo o kilala na ngayon bilang Sabah.
  • Noong 1965, muling tumakbo sa pagka-pangulo si Diosdado Macapagal. Subalit dahil sa mga akusasyon ng kurapsyon at damang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, bukod pa sa patuloy na problema sa kaayusan at kapayapaan sa bansa, hindi siya pinalad na magwagi sa naturang halalan.
  • Matapos nito ay nagretiro siya sa mundo ng pulitika, subalit naging aktibo pa rin sa mga gawaing pambansa.
  • Nagsilbi si Macapagal bilang miyembro ng Philippine Council of State noong 1968 at naihalal bilang pangulo ng Constitutional Convention noong 1971.
  • Ang nalalabing lakas ni dating Pangulong Macapagal ay ginugol niya sa pagbabasa at pagsusulat.



Carlos Garcia

Carlos Garcia
(Marso 18, 1957- Dis. 30, 1961)

  • Matapos masawi si Pangulong Ramon Magsaysay dulot ng pagbagsak ng sinasakyan niyang eroplano, pinanumpa ang kanyang Bise Presidenteng si Carlos Garcia upang punuan ang nabakanteng pwesto.

  • Bilang Presidente ng Bansa, naging tatak ng adminstrasyong Garcia ang kanyang “Filipino First Policy.”
  • Sa polisiyang ito, sinigurado ng kanyang gobyerno na mabibigyan ng higit na pabor sa aspeto ng oportunidad na makapagpalago ng negosyo ang mga mamumuhunang Pilipino kumpara sa mga banyagang mangangalakal.
  • Nilabanan din ni Pangulong Garcia ang komunismo sa bansa noong siya ang pangulo. Sa bisa ng Republic Act No. 1700, ipinagbawal ang pagsapi sa rebolusyonaryong organisasyon na sumusuporta sa komunismo.
  • Sa kanyang administrasyon, pinaigsi rin ang panahon pagpaparenta ng mga base militar ng Amerikano sa bansa ng hanggang 25 taon na lamang, mula sa orihinal na 99.
  • Sa kabila ng mga nai-ambag ni Pangulong Garcia sa bansa, hindi siya pinalad na manalo para sa kanyang pangalawang termino. Tinalo siya sa halalan ng kaniyang Bise Presidente noon na si Diosdado Macapagal.


  • Matapos na hindi palarin sa halalan, bumalik si Garcia sa Tagbilaran, upang ipagpatuloy ang kanyang pribadong pamumuhay.
  • Namatay siya noong ika-14 ng Hunyo 1971 dahil sa atake sa puso sa edad na 74.
  • Sa kasalukuyan, ang kanyang mga labi ay nakahimlay sa Libingan ng mga Bayani. Si Garcia ang unang pangulo ng bansang inilibing sa naturang lugar.